Sunday, February 21, 2010

Init at Araw

Matapos ang Balentayms, ramdam na ng bawat isa ang pagbabago sa paligid partikular na sa klima. Nagse-sale na ang mga comforter sa mall, kabi-kabila na ang Go See para sa mga Bikini Open, at naglipana na rin ang mga nanganagmoy putok sa kalsada na animoy mga kilikiling nagsusumigay na, oo, SUMMER na, mainit ang panahon kaya may karapatan na putukan ang mga tao.

Liban sa amoy-putok at pawis, may kakaibang simoy ng hangin para sa akin ang panahon ng summer. Di ko maipaliwanag pero may amoy na mabango na hinahanap-hanap mo at kapag naamoy mo na, alam mo na summer na. Mabango na amoy sariwang damo na nakaka-relax. Kumbaga, kapag nangamoy mo ang tapete at metallic paper, pasko na. may ganung factor din sakin pag summer na. Ewan ko kung ganun din kayo pero sakin, may kakaibang simoy ang summer liban sa amoy pawis.

Kapag summer din, excited ako nung bata kasi magsswimming nanaman kami sa Pansol, o kung susuwertihin, sa Los Banos kami na resort. Taun-taon, tuwing mapapadaan kami sa may Brgy Bucal, yung parang creek doon, lagi niloloko kaming mga bata na bumaba na daw kami at dun kami lalangoy. Kami namang mga bata, gullible, nalulungkot kasi yukadirs yung pagsuswimmingan namin...pero syempre, joke lang samin yun. At bilang ganit, ginagawa rin namin yun sa mga sumunod na henerasyon samin.

Isa pang kinasasabikan ko kapag summer nung bata ako e, pwede ako maglaro sa kalsada kasama ang mga noon ay libagin at magugulo kong mga kalaro noon. Paggising namin lahat, direcho na agad sa kalye at maglalaro ng langit lupa, patintero, takip silim, bahay-bahayan at mataya-taya. Pagpatak ng alas-diyes, titigil ang mundo ng lahat ng mga bata sa amin at isa-isa ng mag-uuwian dahil magsisimula na ang programang bumago sa buhay ng makabagong henerasyon...Sarah ang Munting Prinsesa at Cedie, ang munting prinsipe! Kailangan ko mag-focus sa panonood kung ayaw ko mapag-iwanan sa kuwentuhan at dula-dulaan namin mamayang hapon. Kung kasagsagan naman ng kasikatan ng araw ng ala-una hanggang alas-tres, sa loob kami ng bahay naglalaro ng kapatid ko.Ang laro-opis-opisinahan. Dahil mas bata ako, ang papel ko ay secretary at ang ate ko ang boss na walang ginawa kundi utusan ako na magtimpla ng kape, pagalitan ako dahil matabang ang kape, at magtawag ng mga nag-aapply ng trabaho samin. Mapalad na ako kung nasa bahay ang mga pinsan ko kasi napopromote ako na supervisor at sya naman, bilang mas bata, ay wala na magawa kundi magtimpla ng kape para samin. Pagsapit ng 4:00, dahil inalis na ang Ang TV nun, balik kalsada na ulet hanggang gabi hanggang makandaduhan ng gate dahil alas-otso na e nagsisisigaw pa kami ng mga kalaro ko sa kalsada. Makalipas ang ilang laro at mahigit sampung ice candy na naubos ko, uuwi na ako sa wakas. Dahil sa araw-araw na ginawa ng Diyos na nakakandaduhan ako ng gate, na-master ko na ang pag-akyat ng bakod namin.

Isa pang kinasasabikan ko kapag summer ay, tuwing ganitong panahon lang ako pinapayagan makapaglaro ng Family Computer...oo, wala pa PSP o gameboy nung bata ako. Ubod-yabang ko noon dahil meron kami 100 in 1 na bala na kinalalahukan ng sikat na games na Pacman, Ice Climber, Macross, Galage 2, Excite Bike, Mappy at ang phenomenal Marion Bros. na walang sinabi ang Princess kundi nalipat na sa ibang Castle ang totoong prinsesa.

Matapos ang isang buong araw, siyempre, libaging bata na ako na umaalingasaw sa pawis. Pero ang di ko malilimutan at hinahanap-hanap ko pa din ay yung sasapinan ako ng mommy ko sa likod at sasabihang "Ambaho mo anak, maligo ka na dun!". Ngayon kasi, di na ko sasapinan kasi di nako nanlilimahid tuwing summer kasi di nako naglalaro. Pero aaminin ko, nakakamiss yung gaya ng dati, na tuwing summer, may kakaibang excitement akong nadarama.


Ngayon kasi, nagtatrabaho nako. Nakakulong sa gusaling ubod-ginaw ang aircon ng higit-otso oras. Sana pwede ko balikan yung gaya ng dati. Sana pwede pa ulit magpakabata kahit ngayong summer lang.


Hay....ano ang punto ko? Di kailangan maging magastos para maging masaya ngayong summer. Nasa iyo yun kung paano mo ito pasasayahin at kung anu-anong activities ang gagawin mo. Basta ako, may kakaibang saya at nostalgia na hatid ang summer. Teka, makapagtimpla ng orange juice at ilalagay sa supot ng ice candy atilalagay sa freezer..para bukas, may ice candy ako...



blogistangpenoy - ?

Thursday, December 17, 2009

Gabing Simba at Sex

Hay. Ang inaakala kong magiging masaya at kawili-wili at kakilig-kilig na araw ay nagmistulang bugok na itlog. Mabaho, malungkot, nakkaainis at buwiset.

Nais kong makumpleto ang simbang gabi sa hangaring gumanda naman ang aspeto ng pag-ibig sa buhay ko. Dumating sya at inaakala ko na baka eto na yung sagot sa wish ko sa simbang gabi. Agad-agad akong nakipagkita sa kanya...at gaya ng usual eyeball, may nangyari...and afgterwards, goodbye.

Shit! Wrong decision, Mali. Di pinag-isipan. Naiyak ako. Pakiramdam ko ang panget ko, sobra na kailangan ibigay yung katawan para pansinin. Shit! Pakiramdam ko ang cheap ko. E anu magagawa ko e sa malungkot ako. Nag-away kasi kami ng ka-MU ko nung weekend at till now, di na sya nagparamdam. Saklap. Di ko naman sya niloko "'coz we are not in a commitment".

O, pagkatapos ko magbulalas ng kalandian at sama ng loob sa blog ko, anu naman napapala ko dito. Dapat may maibahagi akong kapakiakinabang sa babasa(kung may magkakamali) ng blog ko. Sige, I'll try to analyze what good thing may be extracted from my bad experience today.

- WALANG MATINONG RELASYON ANG NAGSISIMULA SA SEX.
Eto ang katangahan ko na katangahan din ng marami jan. Aasa ka bang seryosong makipagrelasyon ang isang tao na makipagrelasyon sayo kung ang nais nyang gawin sa unang beses na magkakilala kayo e magtalik? Libog ang tawag dun, hindi love. Sa pananaw ko, ang relasyon na sumesentro sa sex o nagsimula sa sex, o sex ang pundasyon, ay di maituturing na pagmamahalan. Init lang ito ng katawan. Libog. Libido. Mataas na testosterone ng lalaki. Sobrag estrogen ng babae. Ang isang relasyon, dapat kayang ipakita o ipadama ang pagmamahalan at di kailangang patunayan sa pagbibigay ng katawan, sarili at kaluluwa sa mga unang yugto ng relasyon. Di rin matinong hingin ang sex upang patunayan ang pagmamahal. Una, kung may pagfdududa ka, kumprontahin mo. Hindi mapapatunayan ng pakikipagtalik ang pagmamahal ng isang tao sa kapareha nya. Di ko sinasabi na masama ang sex. SEX ENHANCES LOVE. Sex is good, just have to be done at the right time, right place and with the right one.Ang punto ko lang, wag mong asahang mag-"blossom" into a serious relationship ang isang relasyong nagsimula sa sex. Libog is way way different from love.

- WALANG MALING DESISYON. NAGIGING MALI LANG ITO DAHIL DI MO NAPAPANINDIGAN.
Mali talaga yung desisyon kong pumatol. Oo, ako naman may kontrol dun. Tangengot ako. Pero ginusto ko yun. Naging masaya rin ako nung ginagawa yun. Kung iisipin ko, mali talaga. Pero kung iisipin k ulet, kung di ko pinili ang gawin ang mga bagay na yaon, di ko matututunan yung nmga tinatype ko at pinagmamagalingan ko ngayon sa blog na ito. Oo, mistulang mali pero nangyari na. panindigan mo. Dahil mistulang di man pinagisipan ang desisyon mo, kaya mo ginawa o pinili yan dahil yan naman talaga ang gusto mo piliin, kaya walang dapat sisihin. walang dapat panghinayangan. Kung mali man ito, surring mabuti dahil lahat ng bagay ay may dahilan. at kaya mo ginawa ang desisyon na yun ay may mapapala kang ikabubuti at ikauunlad mo na magagamit mo sa susunod mong desisyon sa hinaharap. Oo, nagkamali ako sa desisyon ko, pero di ko pinagsisisihan dahil marami akong natutunan. It made me more cautious and a much greater of a person.

- INGAT SA HILING SA SIMBANG GABI. KUMPLETUHIN MO MUNA ANG 9 MORNINGS BAGO MAG-ASSUME NA NASAGOT NA ITO.
Asyumero kasi kaya ayan napala. Akala ko kasi yung wish ko na magmamahal at mamahalin ko, dumating at sinagot agad ni BRO sa Day 3 pa lang. Ayan, kalokohan ko, yan ang napala ko. Sa 9th Morning, yun, you have every right to expect that your wish will come true, not because fanatic ka or whatsoever. It is because of your faith that God will grant whatever we deserve.


I'm sounding senseless na. Next blog nalang.

blogistangpenoy.

Sunday, November 29, 2009

Pagbasak sa Itlog na Penoy

Sinimulan ko ang blog na ito sa dahilang malungkot ako. Oo, di galak, pera, saya o kayabangan ang dahilan ng pagsusulat ko ng blog. Nagkaroon na ako ng pagkakataong magkaroon ng sariling blog ng dalawang beses ngunit pumalpak lang ang lahat. Umarya nanaman ang pagiging 1/32-blooded Spanish ko at umiral ang ningas kugon na nananalaytay sa mga ugat ko.

Yung una kong blog ay isang requirement noong ako ay nasa kolehiyo pa sa isa kong asignaturang tumatalakay sa tulang Pinoy. Dahil tanga ako sa teknolohiya eh di ko nakikita ang kasaysayan ng ka-ek-ekan ng guro namin. Nung una, palagay-lagay pa ako ng kuwento at tula pero ng magtagal e iniwan ko ring nakatiwangwang.

Ikalawang blog, mejo kakatuwa naman ang "line of thinking" ko nung panahong yaon - kakerengkengan. Uso kasi ang blogging sa mga celebrities dahil wala pang Twitter noon at di pa sikat si Miley Cyrus. In short, pakidalas lang ako at nakikiuso. Noong una, nagbubulalas ako ng mga nilalaman ng puso ko dahil yun naman talaga ang purpose ng blogging diba. Gusto ko tago ang identity ko gaya ng kay Bob Ong. Baka kako sumikat din ang mga quotable quotes ko gaya ni Kuya Bob (oo, mas matanda si Bob Ong sakin). Gumamit ako ng pseudonym kaya pakiramdam ko ay kaisa ko ang mga propagandistang sina Dolores Manapat at Laong Laan. Kaso, may isang problema... nag-upload nga pala ako ng aking nagsusumigaw na formal pic na pwedeng isalpak sa binaklas na pasaporte papuntang Italy! In short, tanga ako. Ayaw magpakilala ng loko, nag-upload naman ng ubod laking litrato. Nagpasya akong iwanan at abandonahin na ang aking mundo sa blog-business.

Nauso ang Facebook. Syempre, pakidalas nanaman ako sa kausuhan ng Facebook. Sa awa ng Facebook, nakapagpundar naman ako ng tatlong Hacienda, dalawang Restawran, limang alagang hayop at dalawang palaisdaan. Ngunit di nagtapos ang kuwento doon. Tunay ngang kalakip ng pag-asenso at pagyaman ang masasamang negosyo. Napasok din ako sa samahan ng Mafia, Ninja Assasins, pati na ang pangangalakal ng tao ay napasok ko rin...at ang masaklap pa, mga kaibigan ko ang bina-buy and sell ko. Naisip ko na dapat magwakas ang kalokohang ito. Unti-unti na akong nakokontrol ng Facebook. Kailangan kong i-pokus ang sarili sa mga bagay na mas dapat pagtuunan ng pansin at maging aking prayoridad. In short, may Facebook na kasi ang buong angkan ko mula sa lola ko, tita ko, mama ko, kabit ng tito kong sabongero, ang mahadera kong tiyahin, ang pinsan ko sa labas na kalaro ko ng bilog-bilugan nung bata kami, ang bakla kong pinsan na pinagtangkaan gapangin ang hardinero ng kapitbahay namin pati na ang yaya ko na kasabay kong tumawa at lumuha sa bawat yugto ng buhay at pakikipagsapalaran ni Sarah, Cedie, Remi (babae), Remi (lalaki), Nelo at Charlotte.

Nalungkot ako at nawala na yung kalayaan ko na ilagay ang mga kaisipang naglalaro sa aking id, ego at superego. Di ako pwedeng maglagay ng status na nakakaeskandalo sa pamilya gaya ng "I Kissed a Girl and I Liked It!" o kaya "I just had safe sex" lalo na ang sakdal-eskandalosong status na "Good morning world!" lalo na kung di ka pa nakakauwi mga tatlong-araw na ang nakakaraan. At dahil jan, gumawa ako ng joketime na yahoo account para gamiting e-mail address para makagawa ng kalokohang account dito sa blogspot. Hoping pa ako na magkaroon ng follower!

Bakit Blogistang Penoy. Halata na naman siguro kung bakit Blogista. Ang una ko kasing naisip, anoangtagalogngblog.blogspot.com ang name ng blog ko. Kaso, naisip kong mas maganda itong gawing title ng unang libro ko na kakabog sa "ABNKKBSNPL Ako". Kaya nag-isip ako ng isang "catchy" na blogname (dahil hoping nga ako na magkaroon ng follower). Kaya sinagot ko na lang yung tanong na ano ang tagalog, hindi ng blog, kundi ng blogger - BLOGISTA.

Balot.Penoy.Balot. Bakit Penoy? Pwede namang balut/balot. Baka typo lang. Blogistang Pinoy siguro dapat sabay upload ng pic ko na nakadilaw na poloshirt na may mapa ng Pilipinas. Penoy. Sinadya ko talagang gamitin ang Penoy. Di yan typo na Pinoy. Tama yung konsepto na gusto kong Pinoy na Pinoy ang dating ng blog ko. Sakto yung Pinoy kaso hindi "catchy" (dahil hoping talaga ako na magkaroon ng follower). Umisip ako ng bagay na maka-Pinoy na tunay.

Adobo - gasgas na.
Sampaguita - Indian Jasmine yun diba?
Quiapo - cool. Kaso may aklat nang nailimbag na may Quiapo sa title.
Manila - dapat nga catchy para may follower ako
Rizal - baka sabihin nila ginagamit ko lang ang kasikatan ni JoRiz
Dingdong Dantes - world-class nga! Sexy! Kaso baka magalit si Tita Anabelle
Mangga - ok sana kaso baka malamog at mabulok
Dried Manggoes - tuyot at walang katas.
Balot - tama! Makatas at masustansya. parang blog ko!
type...type... pucha! may gumamit na! di na available! Leche! hirap umisip...


... Penoy. Ok.

BlogistangPenoy.