Sinimulan ko ang blog na ito sa dahilang malungkot ako. Oo, di galak, pera, saya o kayabangan ang dahilan ng pagsusulat ko ng blog. Nagkaroon na ako ng pagkakataong magkaroon ng sariling blog ng dalawang beses ngunit pumalpak lang ang lahat. Umarya nanaman ang pagiging 1/32-blooded Spanish ko at umiral ang ningas kugon na nananalaytay sa mga ugat ko.
Yung una kong blog ay isang requirement noong ako ay nasa kolehiyo pa sa isa kong asignaturang tumatalakay sa tulang Pinoy. Dahil tanga ako sa teknolohiya eh di ko nakikita ang kasaysayan ng ka-ek-ekan ng guro namin. Nung una, palagay-lagay pa ako ng kuwento at tula pero ng magtagal e iniwan ko ring nakatiwangwang.
Ikalawang blog, mejo kakatuwa naman ang "line of thinking" ko nung panahong yaon - kakerengkengan. Uso kasi ang blogging sa mga celebrities dahil wala pang Twitter noon at di pa sikat si Miley Cyrus. In short, pakidalas lang ako at nakikiuso. Noong una, nagbubulalas ako ng mga nilalaman ng puso ko dahil yun naman talaga ang purpose ng blogging diba. Gusto ko tago ang identity ko gaya ng kay Bob Ong. Baka kako sumikat din ang mga quotable quotes ko gaya ni Kuya Bob (oo, mas matanda si Bob Ong sakin). Gumamit ako ng pseudonym kaya pakiramdam ko ay kaisa ko ang mga propagandistang sina Dolores Manapat at Laong Laan. Kaso, may isang problema... nag-upload nga pala ako ng aking nagsusumigaw na formal pic na pwedeng isalpak sa binaklas na pasaporte papuntang Italy! In short, tanga ako. Ayaw magpakilala ng loko, nag-upload naman ng ubod laking litrato. Nagpasya akong iwanan at abandonahin na ang aking mundo sa blog-business.
Nauso ang Facebook. Syempre, pakidalas nanaman ako sa kausuhan ng Facebook. Sa awa ng Facebook, nakapagpundar naman ako ng tatlong Hacienda, dalawang Restawran, limang alagang hayop at dalawang palaisdaan. Ngunit di nagtapos ang kuwento doon. Tunay ngang kalakip ng pag-asenso at pagyaman ang masasamang negosyo. Napasok din ako sa samahan ng Mafia, Ninja Assasins, pati na ang pangangalakal ng tao ay napasok ko rin...at ang masaklap pa, mga kaibigan ko ang bina-buy and sell ko. Naisip ko na dapat magwakas ang kalokohang ito. Unti-unti na akong nakokontrol ng Facebook. Kailangan kong i-pokus ang sarili sa mga bagay na mas dapat pagtuunan ng pansin at maging aking prayoridad. In short, may Facebook na kasi ang buong angkan ko mula sa lola ko, tita ko, mama ko, kabit ng tito kong sabongero, ang mahadera kong tiyahin, ang pinsan ko sa labas na kalaro ko ng bilog-bilugan nung bata kami, ang bakla kong pinsan na pinagtangkaan gapangin ang hardinero ng kapitbahay namin pati na ang yaya ko na kasabay kong tumawa at lumuha sa bawat yugto ng buhay at pakikipagsapalaran ni Sarah, Cedie, Remi (babae), Remi (lalaki), Nelo at Charlotte.
Nalungkot ako at nawala na yung kalayaan ko na ilagay ang mga kaisipang naglalaro sa aking id, ego at superego. Di ako pwedeng maglagay ng status na nakakaeskandalo sa pamilya gaya ng "I Kissed a Girl and I Liked It!" o kaya "I just had safe sex" lalo na ang sakdal-eskandalosong status na "Good morning world!" lalo na kung di ka pa nakakauwi mga tatlong-araw na ang nakakaraan. At dahil jan, gumawa ako ng joketime na yahoo account para gamiting e-mail address para makagawa ng kalokohang account dito sa blogspot. Hoping pa ako na magkaroon ng follower!
Bakit Blogistang Penoy. Halata na naman siguro kung bakit Blogista. Ang una ko kasing naisip, anoangtagalogngblog.blogspot.com ang name ng blog ko. Kaso, naisip kong mas maganda itong gawing title ng unang libro ko na kakabog sa "ABNKKBSNPL Ako". Kaya nag-isip ako ng isang "catchy" na blogname (dahil hoping nga ako na magkaroon ng follower). Kaya sinagot ko na lang yung tanong na ano ang tagalog, hindi ng blog, kundi ng blogger - BLOGISTA.
Balot.Penoy.Balot. Bakit Penoy? Pwede namang balut/balot. Baka typo lang. Blogistang Pinoy siguro dapat sabay upload ng pic ko na nakadilaw na poloshirt na may mapa ng Pilipinas. Penoy. Sinadya ko talagang gamitin ang Penoy. Di yan typo na Pinoy. Tama yung konsepto na gusto kong Pinoy na Pinoy ang dating ng blog ko. Sakto yung Pinoy kaso hindi "catchy" (dahil hoping talaga ako na magkaroon ng follower). Umisip ako ng bagay na maka-Pinoy na tunay.
Adobo - gasgas na.
Sampaguita - Indian Jasmine yun diba?
Quiapo - cool. Kaso may aklat nang nailimbag na may Quiapo sa title.
Manila - dapat nga catchy para may follower ako
Rizal - baka sabihin nila ginagamit ko lang ang kasikatan ni JoRiz
Dingdong Dantes - world-class nga! Sexy! Kaso baka magalit si Tita Anabelle
Mangga - ok sana kaso baka malamog at mabulok
Dried Manggoes - tuyot at walang katas.
Balot - tama! Makatas at masustansya. parang blog ko!
type...type... pucha! may gumamit na! di na available! Leche! hirap umisip...
... Penoy. Ok.
BlogistangPenoy.
Sunday, November 29, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment